Thursday, March 29, 2007

Kasal-kasalan, Kalokohan


03-25-07

Madaming kasal na akong dinaluhan. Pero sa lahat ng yon, yung kanina, kasal ni Andrea ang naantig ako at naramdamang masarap din pala ang maranasang ikasal. Marahil dahil sa saliw ng musika kaya masarap maramdamang umibig; o baka marahil umiibig na ang puso kaya lalong matindi ang tagos ng iba’t ibang awit ng pag-ibig.

Hindi maiwasang sumagi paminsan- minsan sa aking isipan na ihambing ang atmospera kanina sa panahong siya ang ikinasal noon. Siguro nag-uumapaw din yung kaligayahang naramdaman niya. Subalit, hindi ko rin maiwasang isipin na medyo pilit yung kasiyahang iyon. Dahil wala ng iba.

Sa seremonyas, dalawang kwento ng dalawang Russian writer, ang ibinahagi ni Mam Mariz (a very elegant senior lady; pagtanda ko gusto kong maging tulad niya): Una, yung tungkol sa isinulat ni Maxim Gorky. Kwento ni Maxim, ang pag-aasawa daw ay isang pagtalon sa isang malalim na butas o yungib sa panahon ng taglamig. Ibig niyang sabihin, ang pag-aasawa ay isang pangyayari na hindi kailanman malilimutan sa buhay ng sinumang ikinasal o ikakasal pa lang.Maliban sa lahat ng nandun, tatlong babae kami, si Shang (dati kong guro) at Raisa, ang siguro kinilig at sa panandaliang iglap ay masarap na nagpalutang- lutang sa ideyalista at romantikong aspeto ng pagpapakasal. Tila ang sarap- sarap ikasal.

Sumunod ang ikinuwento ni Alexis, na hindi ko na kabisado ang tamang pangalan. Sabi niya, just like drinking water, so is marriage: it’s basic. Pero, ang natandaan ko hindi pag-aasawa ang binanggit ni Mariz kundi ‘pag-ibig’, ang maranasang umibig ang masarap gawin, at dahil tayo ay tao pa rin sa kabila ng abnormalidad na kaakibat na sa mga tulad natin ngayon, umiibig pa rin tayo. Dahil daw doon, paliwanag ni Mariz, sumusulong sa ibang lebel, mas mataas at pasulong ang direksyon. Kung wala daw pag- ibig, malamang hindi tayo aabot sa ganoong ‘higher level.’ At binigkas niya ulit na ang sarap na muling maikasal.

Nakaramdam ako ng inggit. Sa tanang buhay, ngayon lang. Isang inggit na tanggap mo kung bakit ka naiinggit at masaklap, wala ka ng magagawa pa upang solusyunan ito.

Tatlong punto ang binanggit ni Mariz tungkol sa pag-aasawa. Una, ang katapatan. Faithfulness o fidelity sa mabigat na aspeto. Pangalawa, ang kahandaan sa pag-aasawa. Pangatlo ang pagiging bukas sa mga kasama.

Una, tungkol sa katapatan. Paano mo susukatin at ititimbang ang katapatan ng asawa sa kanyang asawa din? Paliwanag ni Mariz, kabilang dun ang pagiging bukas sa komunikasyon sa bawat isa. Ah, marahil tapat pa rin siya dahil sa labas, sa mata ng karamihan, tanging ang asawa lang niya. Ang katapatan ba maaaring magkulang dahil natulog kang kasama ang iba, dahil sa kalagayang malayo ang iyong asawa. Ano ang kaibahan sa isang pokpok na binabayaran para sa panandaliang aliw? Disente marahil. Parehong pinapakain, binabahay sa magandang lugar sa loob ng iilang oras; nilalambing; pinapaligaya rin. Pero sa mas malawak na perspektiba, walang kaibahan. Dahil pareho lang na hindi sinusuklian ng pagmamahal.

Walang puwang ang mga katanungang gusto kong itanong; ang mga hinaing na gusto kong maiparinig. Kung ang babae, o siya ang panalo, o may bagay ba gaya ng panalo o talo? Talo. Sa kabilang banda, panalo rin. Isang nakakubling tagumpay na sa kalaunan lamang, tulad ng isang sakit na aatake at mararamdaman sa panahong, matuklasan ito.

Magulo. Pero, kung titingnan, dalawang babae ang talunan. Siya pa rin ang panalo: isang lalaki.

**~~~~**~~~~~****