Alaala
Sa mga gabing tulad nito
Payapa ang buwan at bituin sa kalawakan
Gayundin ang aking puso
Tumitila sa dati’y rumaragasang tibok
Dulot ng iyong pagiging andito
Sa mga gabing tulad nito
Nagniningning ang mga tala
Tulad ng mga nakaraang oras
Na ako’y higpit pa sa pagkakapisan
Sa iyong bisig na parang walang hanggan
Sa mga gabing ito,
Iwinawasiwas tanging sa hangin
Ang mga tila limot mo ng alaala sa akin
Minumuni, iniisip, iniisa- isa
Kung sayo mayron pang labing halaga
Sa mga gabing ito,
Naiiwan,
Nagsisikip,
Nagdadalamhati
Alaalang lulan na ng hangin
Sa gabing ito,
Tulad ng napakaraming gabi
Ng mga gabing darating pa,
Yuyuko, alinsunod ng pagpayapa sa isip
Ika’y doon na lamang itatangi…
-- para kay Sig
10-20-06
Oblivion
I could not utter anymore
His name, that once gushes forth like river
at the sight of beholding him,
Coming to me
During nights and days
That him and I
Now know belong to the past…
-- para kay Sig
10-20-06
Paghihintay
Kung kailan ay hindi ko alam
Tulad ng sanlibong kamangmangan
Tangan ng isang sanggol na kasisilang
Ang paglimot marahil ay sumpa
Bumabaon, kumakapit
Higit pa sa linta
--para kay Sig
10-20-06
Katapusan
Hindi na muling sisibol pa ang haring-araw sa ibayong Silangan
Sampu ng pagdadalawang isip na bumalik ng prodigong anak sa ama
Hindi na rin kasintikad ng lilac ang kulay ng mga halaman sa umaga
O kaya sinlinis ng batis ang daloy ng musika na alay kay Ava
Hindi na.
Hindi na.
Hindi na uusbong ang anumang luntian sa naiwang tuyot na lupa
Gaya ng pesanteng nungkang balikan ang atrasadong pang –unawa
Hindi na rin magpapalit ang araw at gabi, ang buwan sa taon,
O kaya ang segundo sa minuto tungo sa oras ng pagkabigo
Hindi na.
Hindi na.
Hindi na hihimlay ang sanggol sa oyayi ng ina
Tulad ng paglisan ng luha sa pagpatak mula sa mata
Hindi na rin dadako pa ang liwanag sa kabilang bahagi ng mundo
O tulad ng mga mago na lumingat at ingatan ang Hudyo
Hindi na.
Hindi na.
Hindi na muling titibok ang puso kung saan ito pasan
Tulad ng mga titik na sa pluma ay lumisan
Hindi na rin dadaloy pa ang ugat ng buhay
O tulad ng pagtigil ng mundo sa pagkawala mo.
Hindi na.
Hindi na.
--para kay Sig
10- 20-06
Tula ng kalungkutan
Sa paulit- ulit na paghahanap ng pinakamalinis
na bahagi ng kwaderno,
naubos na.
Sa gabi- gabing pag-uhaw sa pluma sa likidong
tanging bumubuhay sa kanya,
naubos na.
ngunit hindi ang lungkot.
hindi ang paglimot sa iyo... ~~from gagagurl
Hunyo 7, 2006
1:02 am